Sa aking murang isipan ay di ko mawari,
Kung ano nga ba ang sa baya'y aking minimithi,
Napaupo ako at napasandal ng sandali,
Habang isinusulat ang aking dinidili.
Nagsimula akong magmuni-muni sa mga nagaganap,
Sa tao, sa bayan, sa mga nagdaan at kahit sa hinaharap,
Isa-isa kung binuksan ang nakatagong katotohanan,
Mabuti man o hindi, ang paglalahad ay aking sisimulan.
Nais ko sana ay may konting pagbabago,
Sa takbo ng pulitika at pamamalakad sa gobyerno,
Tama na ang sigalot at pagkamakasarili ng mga pulitiko,
At simulan na ang makataong pagsilbi sa mga Pilipino.
Tigilan na ang kurapsyon at pagkamkam ng pera sa kaban ng bayan,
Ito ba ang ating natutunan pagkatapos ipaglaban ang kalayaan?
Tila yata nawalan na ng kahulugan,
Ang tunay na diwa ng pagiging makabayan.
Ang kapaligiran ay unti-unti ng nawawasak,
Masasamang gawain ng tao ay nagiging talamak,
Hintayin pa ba natin na ang lahat ng biyaya ay mawala?
At maaaring kasabay nito, tayo ay maglalaho din na parang bula.
Kahirapan sa bayan ay lalong lumalala,
Kawalan ng trabaho ay nakakabahala,
Ngunit sa lahat ng ito'y huwag mawalan ng tiwala,
Hangga't may kabataan, pag-asa sa bayan ay makakamtan.
Simple lamang ang aking mithiin para sa bayan,
Lahat sana tayong mga Pilipino ay magtulungan,
Sa problema ng bayan, tama na ang sisihan,
Nang sa gayon ang bagong Pilipinas ay unti-unting masisilayan.