"Panatang Makabayan. Iniibig ko ang Pilipinas, aking lupang sinilangan.
Tahanan ng aking lahi, kinukupkop ako at tinutulungan, maging malakas,
masipag at marangal..." naghahabol-hiningang sumabay sa pagwika si Manuel
habang nagmamadali at nagsusumiksik siyang makarating sa kinaroroonan ng
kumpol ng kanyang pangkat.
"O Manuel, bakit nahuli ka nanaman?" pabulong na tanong ni Selyo, ang matalik
na kaibigan ni Manuel, matapos ang panata.
Si Manuel Lagdamayo ay isang binatilyo sa ikaapat na taon ng mataas na paaralan
ng Pamantasan ng kanilang lungsod; anak nina Ka-Isko at Aling Susan. Si Ka-Isko
ay nagtatrabaho sa isang junk shop bilang isang mekaniko, at si Aling Susan nama'y
isang mananahi sa kalapit na burdahan. At dahil na rin sa kagipitan sa buhay, si
Manuel ay tumutulong sa kanyang mga magulang na maghanap buhay. Madalas, siya's kasama
ng ama na magmekaniko.
Tulad ng ibang nagdaang araw, si Manuel kanina'y naatasang tumulong sa kanyang ama sa
junk shop. Walang pag-aalinlangang sumama si Manuel sapagkat siya rin naman'y nawiwili
sa pagkukumpuni ng mga sirang kagamitan. At higit pa riyan, nalilibang siya sa pakikinig
sa mga makabuluhan o minsa'y makwelang usapan ng kanyang ama at ni Mang Ando, isa rin sa
mga mekaniko roon.
Ngunit di sukat akalain ni Manuel na ang mga pag-uusap na kanyang matutunghayan ay aantig
nang ganun na lamang sa kanyang natutulog na damdamin.
"Manuel, ilapag mo muna ang mga kagamitan sa may aparador sa loob at tulungan mo akong
buhatin ang repriheradorang dinala ni Ka-Tasyo" wika ni Ka-Isko sa anak pagkarating sa junk shop.
Mabilis sumunod si Manuel sa utos ng ama.
"Aba Manuel, naririto ka rin pala. Maswerte ang tatay mo't mayroon siyang katuwang sa
pagmemekaniko. Di tulad ng dalawa kong anak na panay laro ang inaatupag." Pagbati ni Mang Ando.
"Anak, halika't tulungan mo ako sa pagbubuhat nito" tawag ni Ka-Isko
"'tay, diba't noong isang buwan lang ay dinala na rin ang repriheradorang ito dito para
ayusin?" tanong ni Manuel.
"Ay aba, oo nga ano," kasabay ng biglang kamot sa ulo ni Ka-Isko "Ando, bakit nga ba panay
ang balik ng rep' na ito dito?"
"Paano naman ang mga may-ari, walang pag-aalaga. Papalitan nga natin motor at aayusin ang
gamit na iyan pero kung wala namang pag-aasikaso ang mga may-ari, masisira nga't masisira iyan."
aniya ni Mang Ando. "Kaya nga ba hindi umaasenso ang Pilipinas," pailing na binaggit ni Mang Ando
na sinundan ng biglang halakhak ni Ka-Isko
"At paano naman nadamay ang Pilipinas sa pinag-uusapan natin, Ando?" tanong ni Ka-Isko na nagboses
rin sa isip-isip ni Manuel.
"Pareng Isko, hindi mo ba napapansin?," panimula ni Mang Ando habang hinahanap ang screw driver sa
tukador "tayong mga Pilipino, di man lahat ay nagkakatulad si isang bagay na hindi maipagmamalaki."
"Ano po iyon?" di mapigilang tanungin ni Manuel
"Anak, usapang matanda ito," wika ni Ka-Isko
"Hayaan mo lang, Isko, hayaan mong marinig ng bata. Sabi nga ni Gat Jose Rizal diba, 'ang kabataan
ang pag-asa ng bayan'" sinabi ni Mang Ando na may kahalong boses pang teatro sa pagsambit niya sa
sawikain ni Dr Jose Rizal "at nararapat lamang na mabuksan ang kanilang isipan sa tunay na kinalalagyan
ng bayan - ang kapighatian at kahirapang dinaranas nito."
"Pagpasensyahan mo na anak, bigong president kasi yang si Ando" biro ni Ka-Isko "pakiabot nga ang martilyo,
masimulan na itong mahiwagang repriheradorang sumisimbolo pala sa bayan" may halong tuksong winika ni Ka-Isko
Hindi inalinta ni Manuel ang tukso ng ama't ipinagpatuloy ni Mang Ando, "Nakalulungkot lang namang makita
ang mga Pilipinong panay ang hingi ng reporma ngunit patuloy naman sa kasukdulan ang kamalian."
"Ano po ang ibig ninyong sabihin?" tanong ni Manuel.
"Tingnan mo na, Isko, sabi sa iyo, may magpapakitang interes din sa mga sinsabi ko" patawang sinabi ni Mang Ando.
Binitawan niya nang panandalian ang screw driver, ang kanyang kinukumpuni at hinarap si Manuel, "Tulad na
lang ng repriheradorang ito. Kung panay ang hingi natin ng pagbabago ngunit di naman tayo matututo sa ating
mga kamalian, walang pag-asenso ang magaganap, wala ring magaganap na pagbabago." Paliwanag ni Mang Ando,
"Kaya naman ang pundasyon ng pagbabago ay hindi lamang batay sa nakikita, ngunit nagsisimula ito sa
kaugat-ugatan." wika ni Ka-Isko
"Sabi ko na nga ba kumpare! Kung bigong presidente ako, bigong senador ka!" Biro ni Mang Ando sabay ang halakhakan
nilang tatlong kalalakihan. "Pero totoo ang sinabi ng iyong ama, kailangan sa isip at sa kaibuturan ng puso magmula
ang ganap na pagbabago." Dagdag ni Mang Ando
"Ibig sabihin po ba'y kahit estudyante lang ako, kung mimithiin ko na may matupad na pagbabago, makatutulong ito?"
Tanong ni Manuel.
"Oo naman! E, matanong ko nga iho, ano ba para sa iyo ang hakbang sa pagbabago?" sagot ni Mang Ando.
Napaisip si Manuel sa katanungan ito ni Mang Ando. Ano nga ba? Tanong niya sa sarili.
"O siya anak, tungkulin mo rin naman ang mag-aral, kaya't humayo ka na, baka mahuli ka sa klase" wika ni Ka-Isko.
Di na rin nasagot ni Manuel ang tanong ni Mang Ando sapagkat kinailangan na niyang magmadali papuntang
paaralan. Ngunit di nawaglit sa kanya ang tanong na iyon. Sa paglalakad, hanggang sa siya'y makarating
sa kinaroroonan ng pila ng kanyang pangkat, baon-baon pa rin niya ang katanunguan sa puso. Ano nga ba ang
magagawa ko upang makamit ang bagong Pilipinas?
"Manuel, naririnig mo ba ko?" sabay tapik ni Selyo sa kaibigang lumilipad ang isip.
"Pasensya na, may iniisap lang." sagot ni Manuel.
"Ano ba kasi yang bumabagabag sa isip mo?" wika ni Selyo.
Ano nga ba ang aking magagawa? Ang ulit ni Manuel sa isip.
Nang manumbalik ang kanyang ulirat, unti-unting tumimo sa kanya na ang kasagutan ay matagal nang nasa ating
harapan-- sa busilak na panata nakapaloob ang tugon. Kaya naman pabulong sa sarili, di niya mapigilan ang muling
bigkasin, ..."dahil mahal ko ang Pilipinas, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang, susundin ko ang tuntunin
ng paaralan, tutuparin ko ang tungkulin ng mamamayang makabayan, naglilinkgod, nag-aaral at nagdarasal ng buong
katapatan. Iaalay ko ang aking buhay, pangarap, pagsisikap sa bansang Pilipinas"