Noong unang panahon, ako ang nagturo sa mga unang Filipino na mag-aral, mabuhay, at umibig.
Ako ang nagbigay ng lahat ng kanilang pangangailangan at nagturo sa kanila kung paano gamitin
ang lupa upang ito'y tumubo at magbunga. Noong humingi sila ng tulong dahil sa kahirapan sa ilalim
ng mga Espanol, ako ang sumama at sumoporta sa kanila. Hinawakan ko ang sulo na umilaw sa puso ng
bawat bayani at rebolusyonaryo, at bumulong ako sa tainga ng mga iskolar ukol sa mga bagong imbensyon
at ideya. Ngunit sa huli, nalaman nilang hindi sapat ang binigay ko sa kanila. Tinalikuran ng Filipino
ang lahat ng ginawa ko para sa kanila at sinira ng tao ang lahat ng nasa kanilang daan para lamang sa
tinawag nilang kapitalisasyon at 'pag-unlad'. Ang kagandahan at kasaganahan ng kalikasan, kanilang winasak
upang magkaroon ng konkretong lansangan at malalaking gusali. Kinuha ng Filipino ang lahat ng aking ari-arian,
at ngayon kailangan kong itago ang aking mukha na puno ng kahihiyan dahil sa kahirapan at kasagwaan. Sa
kasalukuyan, ako'y nakatira sa mga anino, marumi, giniginaw at palaging naaawa sa kanila at higit sa lahat,
sa aking sarili.
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------
Inangat ko ang aking ulo patungo sa madilim na himpapawid.
Malapit nang umulan.
Kahit sa malayo, maririnig ang ingay ng kulog pero hindi ako naudlot. Hindi dahil malakas ang loob ko, pero
dahil wala nang tumatakot sa akin. Sa apat na taong naging guro ako sa isang paaralang pampubliko, puno ng
malulungkot na pangyayari ang aking naranasan. Madalas, kalahati ng mga estudyante ay lumiliban sa klase bunga
ng iba't ibang dahilan. Kahit na hindi sinasabi sa akin, alam ko na marami sa kanila ay nakararanas ng epekto ng
kahirapan. Kapag dumarating sila sa paaralan, ang patpatin nilang katawan ay naglalarawan ng kanilang kakulangan
sa nutrisyon. Kadalasan ay nakikita ko ang pagkapagod sa kanilang mga mata. Pakiramdam ko ay nakatali ang aking mga
kamay. Nais ko sanang gumawa ng higit pa; pero sa tingin ko ay wala akong kapangyarihan o kakayahan.
Ang aking Diyos, bigyan mo ako ng isang pahiwatig!
Habang ako'y lumakad sa mataong kalsada, umaalingawngaw sa aking tenga ang busina at arangkada ng mga sasakyan na
nagigitgitan sa trapiko. Huminto akong pansamantala upang lasapin ang mga ilaw at tunog ng siyudad at sa isang mahiwagang
sandali, bumagal ang mundo. Daan-daanan lang ako ng mga tao, ngunit nahuli ang aking pansin sa iisang bagay na hindi
gumagalaw. May batang babae sa ilalim ng kalsada, Napansin kong siya'y napabayaan dahil siya'y marumi at gutay-gutay ang
kanyang kasuotan. Tila ang kanyang kalungkutan ay napakalalim na di maintindihan ng sinuman. Kahit na siya ay bata pa,
ang pakiramdam ko ay marami na siyang pinagdaanang unos sa buhay na higit sa kanyang murang edad. Ang kanyang katawan ay
puno ng mga pasa at sugat. Nakaupo lang siya doon, pinapahinga ang kanyang ulo sa pader na konkreto habang ang mga tao'y
dumadaan sa kanyang harapan, walang salitang namumutawi sa kanyang labi. Nilapitan ko siya, dumukot sa aking bulsa at inabot
ang isang maliit na supot ng mani.
"Heto. Kumain ka muna." ang sabi ko.
Kinuha niya ang supot sa aking kamay nang hindi nagpapasalamat. Ngunit nakita ko sa kanyang ngiti na ikinaligaya niya ang
aking handog. Tumakbo siya sa di-kalayuang lugar, kung saan may nakatayong dalawang bata.
Sa isang iglap natanto ko na hindi ko kailangang gumawa ng isang napakalaking bagay upang makalikha ng isang positibong pagbabago.
Nalalaman ko na ang aking tungkulin bilang isang Filipino ay unti-unti kong nagagampanan sa pamamagitan ng aking trabaho bilang
isang guro. Ibabahagi ko sa kanila ang karunungan na gagamitin nila upang magkaroon ng higit na magandang kinabukasan. Basta para sa
kapakanan ng mga kabataan, kahit na abutin ng limang taon, labing-dalawang taon, o limampung-taon, sisikapin kong mapabuti ang buhay ng
ibang tao. Kahit na nagsimula nang bumuhos ang ulan, hindi ko alintana, sapagkat alam kong ito'y isang nagpapagaling na tubig na naghuhugas
sa lahat ng aking pag-aalinlangan at kinatatakutan. Isang ngiti ang naglaro sa aking labi samantalang ang tubig-ulan ay dumadaloy sa aking pisngi.
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------
Ibinigay ko ang supot ng mani sa dalawang bata.
"Alam ko na gutom na gutom kayong dalawa."
"Salamat po ate!" sabay nilang sinabi. "Pero ate, hindi ka rin ba gutom?"
"Huwag kang mag-aala para sa akin."
At samantala, ako'y lumingon at nakita ko ang hugis ng lalaking palabo ng nagpalabo habang lumalayo. Sana, higit na maraming tao ang
kamukha niyang mag-isip. Kung lahat ay pareho lamang sa kanya, alam ko na ang aking kagandahan ay magbabalik. Hindi na kailangang magtago,
at makukuha ko ulit ang karangalan na naranasan ko noon. Sa totoo lang, kung bawat tao ang mamumuhunan ng panahon, kalinga, at pagmamahal
para sa iba, magkakaroon ng mahalagang pagbabago sa ating lipunan at bayan.