"Aking Mithi, Isang Bagong Pilipinas!"

"Tooonyoooooo!!!," sigaw ni Aling Tes mula sa kusina.

"Anong oras na? Nakahilata ka pa rin diyan? Mahuhuli ka na sa iyong klase.
Tonyo! Gumising ka na!" dagdag ni Aling Tes.

"Nandiyan na po inay" sambit ni Tonyo.

"Iyan ba ang kabataang pag-asa ng bayan?" sermon ni Aling Tes habang pababa
ng hagdan si Tonyo na nakabihis na ng kanyang uniporme.

"Di na po mauulit inay, pagod lang talaga ako," katuwiran ni Tonyo.

"O eto na ang baon mo, yan lang ang mabibigay ko, gipit tayo ngayon. Ang iyong
itay naghahanap pa rin ng trabaho. Sige, lumakad ka na!" sambit ni Aling Tes.

"Ang sabihin po ninyo nasa sugalan," bulong ni Tonyo sa sarili.

"Anong binubulong mo diyan?" sambit ni Aling Tes.

"Wala po inay. Sige, aalis na po ako" sambit ni Tonyo habang papaalis ng kanilang bahay.

Ganyan ang buhay ni Antonio Mangarap Sumulong o kilala sa palayaw na "Tonyo".
Isang mag-aaral at nag-iisang anak ni Aling Teresita at Mang Roberto. Mahirap lang
ang pamilya ni Tonyo. Labandera ang kanyang ina at Construction Worker ang kanyang ama.
Ang kinikita ng mag-anak ay sapat lang sa kanilang pang araw-araw na gastusin o di kaya'y
nauubos ni Mang Roberto sa sugalan. Nakasanayan na ni Tonyo ang sermon ng ina bilang
kanyang almusal at kawalan ng ama sa sandaling papasok sa paaralan dahil maagang nagsusugal
sa kanilang kapitbahay.

Naglalakad si Tonyo papuntang sakayan ng dyip nang namataan niya ang isang bangkong nilolooban
ng mga di pa nakikilalang mga lalaki. Ayon sa mga nakasaksi, may hawak na bihag ang mga bank robbers.
Napatigil din si Tonyo para matingnan ang pangyayari.

"Ganyan na ba kahirap ang buhay? Mas gugustuhin pang tumahak sa maling landas kaysa kumita sa
mabuting paraan?" komento ni Tonyo.

"Anong oras na?! Mahuhuli na talaga ako," sambit ni Tonyo habang tinitingnan ang oras sa kanyang relos.

Dali-daling naghanap si Tonyo ng dyip papuntang eskwelahan, ngunit puno ang lahat ng pampasaherong sasakyan.
Naghintay siya ng ilang minuto at sa awa ng Diyos, may isang dyip na hindi pa puno kaya dali-daling siyang
sumakay at nakakita ng magandang pwesto. Doon siya umupo malapit sa driver. Habang tumatakbo ang sinasakyang dyip,
may napansin siya sa jeepney driver. Ito ay naninigarilyo habang nagmamaneho. Nakita rin niya na may babalang
nakalagay sa dyip na "No Smoking".

"Mahirap ba talagang sumunod sa mga simpleng panukala?" komento ni Tonyo habang tinatakpan ang ilong dahil
sa nakakalasong usok mula sa sigarilyo.

Bumaba si Tonyo at nakarating din siya sa kanyang paaralan. Papasok pa lamang siya nang hinarang ng gwardiya.

"Bata, walang pasok. Pista Opisyal ngayon." sambit ng gwardiya.

"Oo nga pala, nakalimutan ko. Sige po, uwi na lang ako," sambit ni Tonyo.

Nagpasiya siyang umuwi sa kanilang bahay. Nang huminto sandali ang sinasakyang dyip ay nasulyapan niya ang mga
taong nag-rarally laban sa pamahalaan. Lalaki, babae, bata at matanda ay sumisigaw ng kanilang mga hinaing.

"Dapat bang isali ang mga kabataan sa rally? Dapat bang punan ang kanilang murang isipan ng kawalan ng pag-asa
ng bayan?" ito ang mga katanungang pumasok sa isipan ni Tonyo nang dahan-dahang umalis ang dyip sa pook
kung saan may rally.

Sa kanyang pagbaba naisipan niyang pumunta sa isang lugar. Para sa kanya, ang pook na iyon ay iisa lang sa mundo.
Ito ay pinalilibutan ng mga magaganda at mababangong bulaklak, at sa gitna nito ay may isang malaking puno ng narra.
Ang lugar na iyon ay naging saksi at kadamay sa kanyang mga pighati sa buhay . Ngayon, maraming katanungan ang bumabagabag sa kanya.

Napaupo si Tonyo malapit sa puno at doon nag-isip sa mga pangyayaring natunghayan niya ngayong araw.

Maya-maya, may isang matandang lalaki ang umupo sa kanyang tabi. Naramdaman niyang siya’y may kasama kung
kaya siya'y napatayo. Habang tinititigan ang matanda, nakita niyang masaya itong nakangiti sa kanya.

"Umupo ka, iho," sambit ng matanda.

"Sino po kayo?" tanong ni Tonyo.

"Ako ay napadpad rito katulad mo. Dinala ako ng hangin at ibinulong sa akin na may bumabagabag sa iyong puso't isipan.
Kung mamarapatin, pwede ko ba itong malaman?" sagot ng matanda.

"Ano po? Hindi po kita maintindihan, sino po ba talaga kayo?" sambit ni Tonyo.

"Hindi na 'yon mahalaga. Pwede ko bang mapakinggan ang iyong hinaing?" sambit ng matanda.

"Sa aking mga natunghayan, marami ang nasasangkot sa mga maling gawain, nahihirapang sumunod sa batas, at ang nakararami
ay sumasalungat at puro asa na lamang sa gobyerno. Parang wala ng pag-asa at pagkakaisa sa ating bayan. May pagbabago pa
ba na magaganap sa Pilipinas?" tanong ni Tonyo.

Napangiti ang matanda. Dahan-dahang siyan tumayo at tiningnan ang malawak na hardin.

"Tonyo, hanggat nabubuhay ang harding ito at ang lahat ng nilikha ng Maykapal, may maaaninag kang pag-asa at pagbabago para
sa iyong bayan. Tao ang naging sanhi ng mga pagkawasak at tao rin ang makagagawa ng solusyon sa mga suliraning kinakaharap
ng bawat isa sa atin... nating mga Pilipino! Maniwala ka lang sa iyong mithiin at ito'y matutupad,” sagot ng matanda.

Ang mga salita ng matanda ay nagdulot ng kaginhawaan para kay Tonyo.

"Ngunit paano niyo po nalaman ang aking pangalan?" tanong ni Tonyo.

Umihip ng malakas ang hangin at nawala ang matanda.

"Anak? Anak!" sambit ni Aling Tes.

Iminulat ni Tonyo ang kaniyang mga mata.

"Anak gising, mukhang nananaginip ka" sambit ni Mang Roberto.

Ang kwento ni Tonyo ay isang kongkretong patunay na ang minimithing bagong Pilipinas ay hanggang panaginip lamang kung hindi
natin iwawaksi sa ating mga sarili ang makamundong pagnanais. Dapat tayong magising sa katotohanan na ang lahat ng ating layon
ay matatamo kung tayo ay may takot sa Diyos, pagmamahal sa kapwa at pagkakaisa sa lipunang ating ginagalawan. Kung matutunan nating
isantabi ang ating mga pansariling interes at bigyan daan ang pangkalahatang ninanais ng bayan ay saka lamang natin matatamo ang ating
minimithing bagong Pilipinas!